*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14270 ***
[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]

Panayam ng Tatlong Binata


PANAYAM NG

TATLONG BINATA

TINULA NI

Cleto R. Ignacio

CONCEPCION, MALABON, RIZAL

BAHAY PALIMBAGAN ni P. SAYO BALO ni SORIANO

MAYNILA

TEL. 3099.

UNANG PAGKAPALIMBAG 1921

Rosario 225 Binundok



TINIG KASALUKUYAN

O

KUWENTO

NG

Tatlong Binatang

SI

Brillo, Electo at ni Brindo

UNANG HATI




Talaan ng Nilalaman

PAUNAWA

BRILLO

KASAGUTAN

ELECTO

BRINDO

ELECTO


PAUNAWA


Bagaman di ninyo gawi ang maglibang
sa gawa nang isang walang wastong malay
na gaya ko nangang hindi nasilayan
ni munting banaag niyong karunungan
.

Paanhin mo'y laking tuwa na nang dibdib
na handugan kita nang pamawing hapis
utang kong dakila kundi ipagkait
ang iyong hinahong manga paglilirip
.

Labis ang saganang pasasalamat ko
kundi ka mayamot at pagtamanan mo
na basahin yaring alay ko sa inyo
ulirang usapan nang binatang tatlo
.

At mapagkukunan mo rin nang uliran
kung hindi ka lubhang may pagkapihikan
at di lahi niyong mahilig sa bagay
na likuin kahi't matuwid na daan
.

Sabi ko'y tigila't ang pantas mong lining
ang may kaya'y sukat pakatalastasin
ang sirang talata'y gawin ang ibigi't
ang tula'y huwag mo lamang na baguhin
.


BRILLO


May isang binatang mahirap ang buhay
na nasok sa Hari nang paninilbihan
ayon sa kaniyang kabaitang sakdal
sa Hari't sa Reynang kinagigiliwan.

Lubos ang kanilang pagkakatiwala
at di nasubukan nang lihis na gawa
kaya't ilinagay nilang magalaga
niyong sa Princesang halamang sagana.

Nakalugdan naman bunying Princesa
yaong kabaita't kasipagan niya
at sampo pa niyong man~ga piling Dama
pagka't ayos mahal kahi't taong mura.

Bakit may taglay ring munting kagandahan
ang kiyas at tindig ay timbang na timbang
mabuting man~gusap kaya't kaulayaw
na lagi nang Dama't nang Princesang mahal.

N~gala'y si Honrado nang abang binata
ulila sa Ama't kapatid ma'y wala
kaya ang kaniyang kaupahang madla
ang sumusahod ay Inang nagaruga.

Siya ay maagang nagpapahin~galay
at kung hatinggabi nagdidilig naman
pagka't nagsisimba kung madaling araw
at ito'y siya nang pinagkaratihan.

Pagdating sa hardin siya'y mamimitas
niyong sarisaring maban~gong bulaklak
saka sa Princesa ay dadalhing agad
doon ginagawa ang balang iatas.

Kung nagaayos nang bulaklak ay siya
ay hinihilin~gan nang Princesa't Dama
na magsalita nang buhaybuhay baga
na ikaaaliw niyong lungkot nila.

Madalas din niyang magina kasagutan
sa Princesa't Dama kung hinihilin~gan
na baka ang aking hindi karunun~gang
magaalita'y inyo namang pagsawaan.

Tugon n~g Princesa'y kung gayong dahil
wika ko sa iyong huwag kang manimdim
parang kita mo na yaring loob namin
na kasing isa nang kalooban mo rin.

Kinakatha niyang isinasalaysay
ay ang isang abâ at isang may dan~gal
na kahi't sing isa yaong katauhan
ay sahol ang uri nang hamak sa mahal.

Kaya ang pagsinta n~g may uring hamak
gaano mang laki ay di maisaad
kawan~gis nang isang maban~gong bulaklak
na sa sarile nang tangkay nalalagas.

Anopa't sa tuwing siya'y hihilin~gan
na magsalita nang man~ga buhaybuhay
nagpapahalata niyong kalagayan
nang lihim na sinta niyang inin~gatan.

Sa gayong palaging man~ga bigkas niya
napapansin naman nang bunying Princesa
kaya n~ga at pilit na tinanong siya
na kung sino yaong dukhang sinisinta.

Hiling mo pong ito'y kung ipatanto ko
ay kamatayang ko't sukal nang loob mo
titiisin ko na karatnan ma'y ano't
huwag nang maturang taksil pa sa iyo.

Anitong Princesa'y kung sa ganang akin
ang nais mong sinta'y di ko hahabagin
n~guni at paano ang aking gagawin
ay kamatayan mo kung kita'y giliwin.

Pagka't di papayag ang Hari kong Ama
na sa dugong hamak ako'y magasawa
at di sasalang ipapapatay niya't
laking kadustaan sa cetro't korona.

Kaya kung ang iyong pagsinta ay tunay
at ibig mong ako'y maging kapalaran
ay pagpilitan mong humanap nang dan~gal
nang ang pagsinta mo ay hindi masayang.

Sa dahilang kapag dugo nang mataas
ikaw, sa kay Ama'y kusang mararapat
at siya'y wala na namang ipipintas
sampung tanang man~ga konseherong lahat.

Dama'y nan~ga dingig ang sinabing ito
silang lahat nama'y pawang nan~gagpayo
anila'y humanap nang karangalan mo
na maglakbay kahit sa ibang Reyno.

Yaong si Honrado'y sa laking paggiliw
ang payo nang Dama'y kusang minagaling
at pinasiya nang lubos sa panimdim
na man~gibang lahi't dan~gal ay hanapin.

Lalo ang Princesang mahigpit ang atas
na huwag bayaang araw ay lumipas
sa laking hinayang sa pusong matapat
niyong si Honradong loob na banayad.

Wika nang Princesa'y ang taning kong bigay
sa iyo ay hustong limang taon lamang
sa parurunan mo ay huwag mabalam
nang hindi mainip akong maghihintay.

Oras na daraa'y panghinayan~gan mo
ayon sa malaking awa ko sa iyo
pahalagahan mo ang bilin kong ito't
laging gunitaing naghihintay ako.

Yayamang kung gayon kay Honradong saad
na ang pagirog ko'y iyong minatapat
ay magpupumilit na ako'y hahanap
niyong karan~galan buhay ma'y mautas.

Loobin na wari nang Dios na Poon
at Virgen Mariang dating mapagampon
sa madlang sakuna ako'y ipagtanggol
at ang aking nasa'y kamtan ding hinahon.

Kaya n~ga sa lahat ako ay paalam
at pipiliting kong kumita pang dan~gal
at itulot nawa niyong kalan~gitan
na magkikita rin tayong mahinusay.

Siya'y lumakad na't sa Ina'y humarap
at ipinamalay ang sa pusong han~gad
bagaman sa dibdib nang Ina'y masaklap
ay napaayon din sa pita nang Anak.

Lumuhod na siya't humalik nang kamay
Ina'y lumuluha na binendisyonan
maganap ang lahat niyang kailan~gan
yamao't sa harap nang torre nagdaan.

Kasalukuyan n~gang ang Princesa't Dama'y
na sa durun~gawa't hinihintay siya
ang lagak na wika'y paalam aniya
at magkapalad ding tayo ay magkita.

Ang Princesa't Dama'y dinayo nang lunos
sa pagalis niyong may magandang loob
n~guni't kailan~gan naman nang pagirog
yaong karan~galan ikapapanulos.

Tuloy ang kanyang mabilis na lakad
niyong paglalakbay sa tun~go nang han~gad
doon sa sasakyan siya'y nakiusap
na maging utusan, kahit walang bayad.

Pinaayunan din yaong hiling niya
kaya n~ga't sa daong lumulan nagdaka
linisan ang kaniyang bayang Castilla
at tinun~go niya yaong Inglaterra.

Di lubhang nalaon ay dumating naman
sila, at sumadsad sa dalampasigan
nagkataong noong siya ay dumatal
ay may embajadang sa guerra ang pakay.

Kasalukuyan nang tinitipong lahat
ang man~ga sundalong sa digma'y lalabas
sa puno nang hukbo siya ay humarap
hin~gi ay masama kung magiging dapat.

Tinanggap at siya'y tinuruan tuloy
sa pagsusundalo kung may kayang ukol
at nang makilalang may ganap na dunong
binigyang tunkuling sa kanya'y ayon.

Kaya't kasama na hukko'y nang lumakad
sa man~ga Persiano ay nakipaglamas
ang General nila'y kinapos nang palad
sa pakikibaka buhay ay nautas.

Nang matanto niyang patay ang General
umuna sa hanay siya at sumigaw
nang wikang iubos ang lakas at tapang
at ating lusubing lahat ang kaaway.

Saka sinibasib nang katakottakot
hukbo nang Persiano'y nagkasabogsabog
babakang General nila ay nakubkob
nabihag sapagka't di nakapaglagos.

Ang di nakatakbong kawal na kalaban
ay nakasama nang bihag na General
nang magbalik na sila sa kaharian
ay hindi masayod yaong kasayahan.

Tuloy inusisang General nang hukbo
pagdaka anila'y napatay sa kampo
siyang nagpauna yaong si Honrado
at aming inusig ang man~ga Persiano.

Sa mabuti niyang ginawang paraan
man~ga loob naming lahat ay tumapang
kaya n~ga't ang hindi sumukong kalaban
nalagak sa kampo ang kanilang bangkay.

Yaong kay Honradong katapan~ga't liksi
dinaig ang gayong kalabang marami
sa balitang Paris ay di mahuhuli
yaong karahasang di sukat masabi.

Emperador naman tuwa'y sabihin pa
kaya't si Honrado'y tinawag pagdaka
binigyan nang tusóng karan~galan baga
na isa sa m~ga Generales niya.

Ipinakilala sa madla rin naman
ang bagong General na ganap ang tapang
magmula na noo'y pinagkatakutan
yaong Inglaterra nang man~ga kaaway.

Totoong namahal yaong si Honrado
doon sa Monarka't man~ga konsehero
gayon din sa lahat nang man~ga soldado
pagka't may dan~gal na'y mababa ring tao.

Ang dalawang taon ay nang makaraan
ang Francia'y kanya na nabalitaan
na sa man~ga turko,y makikipaglaban
dahil sa sigalot na di magkahusay.

Nuhang pahintulot siya sa Monarka
na punong pan~gulo niyong Inglaterra
inayunan naman yaong hiling niya
kaya n~ga't sa Francia'y tumun~go pagdaka.

Nang sa Emperador sa Francia'y maharap
ay ipinagsabi ang kanyang han~gad
mahinahon namang siya ay tinanggap
at ang kalagayan niya'y natalastas.

Kabilang na isa siya sa General
na sa man~ga Turko'y makikipaglaban
at ang hukbo niyang unang sasalakay
at yaon ang yaring pinagkasunduan.

Lumakad noon di't tinun~go pagdaka
yaong m~ga morong kanilang kabaka
makaitlong hintong nagpamuok sila
hanggang sa kinamtan nila ang biktorya.

Nagbalik na silang nagsisipagdiwang
habang lumalakad ay isinisigaw
nang lahat ang wikang mabuhay mabuhay
ang ating bayaning bantog na General.

Sa labas nang bayan sila ay humantong
ang kalakhang hukbo nama'y sumalubong
kasama rin doon yaong Emperador
man~ga pagsasayá ay walang kaukol.

Yaong Emperador ay agad niyakap
ang General niya't tuwa'y dili hamak
malabis ang puri at pasasalamat
sa General niyang may loob na tapat.

O konseheros ko anang Emperador
sa inyo ay aking kahilin~gan n~gayon
na siya ay aking bibigyan nang tusong
Generalisimo, hintay ko ang tugon.

Emperador namin ang sagot nang lahat
sunod po ang aming loob na matapat
noon din ang tusó'y agad iginawad
at ipinagbiba nang puspos na galak.

Matapos tanggapin yaong karan~galan
doo'y nalagak din na mahabang araw
malibang panahon ay nabalitaan
Rusia ay gueguerra sa man~ga Masulman.

Humin~gi ring tulot siya n~ga sa Francia
at linakbay yaong Imperyo nang Rusia
at sa Emperador humarap pagdaka
at hinin~ging siya'y isama sa guerra.

Nang mapagkilala'y tinanggap ding agad
niyong Emperador na labis nang galak
ang kalakhang hukbo ay nang maigayak
sa taning na araw sila'y nagsilakad.

Sa luwal na laa'y nang dumating sila
tumigil at sila'y nagpaembahada
sa man~ga Musulmang lumabas pagdaka
at pasisimulan ang pagbabatalya.

Di lubhang nalaon nama'y napaluwal
at ginanap nan~ga yaong paglalaban
at namook namang leon ang kabagay
itong si Honradong bayaning General.

Sa di nagtitigil nilang paglalamas
yaong man~ga bangkay sa lupa'y nagkalat
ang man~ga Musulma'y sa malaking sindak
ay nan~gagalsuko't sila'y napabihag.

At sampu pa niyong pan~gahas na Sultan
sumuko't, nagbayad nang malaking yaman
sila'y umuwi nang dala ang tagumpay
at nan~gagsasayáng hindi ano lamang.

Yaong Emperador at tanang ginoo
ay nagsisalubong doon sa nanalo
ang nagsasaliwang sigawan nang tao
ay wikang mabuhay ang pan~gulong hukbo.

Bunying Emperador ay niyakap naman
yaong si Honrado't saka ang tinuran
salamat ó bantog na aking General
sa iyong dakilang iwing katapan~gan.

Mula n~gayo'y ikaw ang siyang pan~gulo
bilang na General nang aking Imperyo
tanggapin mo n~gayon itong kaloob ko
na tusón nang pagka Generalisimo.

Tuloy ang winika sa basalyong tanan
hayo't ipagbiba ang ating General
at ayon sa taglay niyang katapan~gan
ang sigaw nang lahat mabuhay mabuhay.

Anopa't ang baya'y nalimutan halos
sa boong magdamag ang gawing matulog
dahil sa General na naging kilabot
tuwa at pagpuri ay hindi masayod.

Yaong si Honrado'y tutoong namahal
sa Emperador at sa tao mang bayan
n~guni't si Honrado'y naninimdim nama't
tapos na ang taning nang Princesang mahal.

Kaya n~ga at gulong lagi ang panimdim
niyong naghihintay na Princesang giliw
sa araw at gabi ay di magupiling
niyong kay Honrado na hindi pagdating.

Bakit n~ga ang Hari na kaniyang Ama
ay ipinagyaring ipakakasal siya
sa Konde Milano, n~guni't naabala't
isang taóng taning ang hinin~gi muna.

Sa hiling na yaon ang Ama'y pumayag
at di muna ibig habagin ang Anak
kung kaya tumaning ang himalang dilag
ay sa paghihintay sa nalayong dilag.

Nang limang taón na't labingisang buwan
ang sa kay Honradong pan~gin~gibang bayan
ang tatlong Imperyo'y pinagpaalaman
nang paguwi sa kaniyang kaharian.

May isang buwan ding araw na mahigit
bago napatuloy gayak sa pagalis
dahil sa kasamang magsisipaghatid
na man~ga maginoo at soldadong kabig.

Tatlong Imperyo ay may kanikaniya
na man~ga sasakya't inihatid nila
tulo'y nagpasabi doon sa Kastilya
yaong tatlong man~ga bantog na Monarka.

Na darating yaong bantog na General
ay gawin ang lubos na man~ga pagtanaw
tangkilikin nila't in~gatan ang buhay
at gugulin yaong lubos na pagtanaw.

Kaya't sa Kastilya'y naghandang magaling
nang isasalubong doon sa pagdating
sarisaring arko at sutlang panabing
sa buong lansan~gang nagbibigay aliw.

Araw na panahon sa dalampasigan
ang Princesa naman ay ikinakasal
sapagka't tapos na ang tadhanang araw
ay wala nang sukat magawang dahilan.

Sa araw na yao'y dalawa ang sayá
una'y sa General saka sa Princesa
man~gagsasaliwan ang man~ga musika
at putok nang kanyon doon sa muralya.

Nan~gagsisalubong ang tanang ginoo
doon sa Kastilya't ang man~ga soldado
at itinuloy na sa Real Palasyo
na itinalaga nila kay Honrado.

Isa man ay walang nakakikilala
doon sa General na balitang sigla
anopa't ang lahat ay nan~gagsasayá
tan~ging nalulungkot lamang ang Princesa.

Na nakasal doon sa di kasing giliw
kung kaya malaking lumbay sa panimdin
sa naging esposo niya ay hiniling
isang buwang siya'y huwag kausapin.

Hayaang sa torre siya ay tumahan
sa piling nang Damang dating kaalakbay
tinulutan naman yaong kahilin~gan
kaya n~ga't sa torre doon din lumagay.

Nang naroroon na ang bunying Princesa
ay ipinahayag sa kanyang Dama
anhin ko man yaong dumating aniyang
General, ay yaong ating kakilala.

Sapagka't General sa tatlong Imperio
gayon ang balita nang lahat nang tao
kundi siya'y ano't maglalakbay dito
saka di kilala nang kahima't sino.

Anang man~ga Dama ay baka siya n~ga
kung gayon ay tunay na kaawaawa
at wala nang palad na napakaaba
na gaya nang gayong pagkapan~ganyaya.

Sumunod sa iyong dan~gal ay hanapin
saka daratnang kang may iba nang giliw
kan~gino ma'y walang matinding damdamin
na gaya nang gayong hirap na daratnin.

Usap nila'y patdin at ang isalaysay
ay yaong dumating na bunying General
hindi makilala ang tunay na n~gala't
Konde de Kastilya kung tawagin lamang.

N~guni't nagpasabi yaong Haring Ama
na makipagkita ang Dama't Princesa
sa General na panauhin nila't
ugali nang man~ga mahal na talaga.

Samantalang di pa dumarating naman
ang bunying Princesa ay napagusapan
nang man~ga konseho't nang tan~ging General
at naibalita yaong pagkakasal.

Nang sa kay Honradong balita'y matatap
ang masidhing lumbay sa puso'y tumarak
kundi nahihiya sa man~ga kaharap
ang luha'y ibig nang sa mata'y pumulas.

Saka nang tanggapin nang Princesa't Dama
ang bilin nang Hari ay nagsigayak na
at sa palasyo ay nan~gaglakbay sila't
bilang sa General makikipagkita.

Nang mapanhik sila doon sa palasyo
agad nakilala yaong si Honrado
nang Princesa't Dama kaya n~ga't nanglumo
ang puso't sa lumbay na di mamagkano.

Walang maibati yaong man~ga Dama
doon sa General, kundi ang kumusta
sapagka't talastas nilang parapara
na kumitang dan~gal, ayon sa Princesa.

At nang magkaroon nang malaking dan~gal
datnan ang Princesa'y na sa ibang kamay
gaanong bubugso kayang kalumbayan
sa dibdib nang abang sawing kapalaran.

Hindi nakatagal ang matang tumitig
nang bunying Princesa sa malaking hapis
kaya't napaalam na tigib nang hapis
na ang dalamhati ay di maisulit.

Pagdating sa torre nang bunying Princesa
sa lahat nang Dama'y ang sinabi niya
ang ginawang ito nang Hari kong Ama'y
ikamamatay ko na walang pagsala.

Isang taóng taning kaya ko hinin~gi
upang ang dahila'y kanyang mawari
di ko maisaad naman yaong sanhi
at baka siya pang lalong ikasawi.

Mawiwikang bakit nakipagsuyuan
sa dugong mababang walang kamahalan
kaya ang bibig ko ay hindi mabuksan
sa takot kung ako ay makagalitan.

Ang buong may sala'y ako rin at ako
sa naabang palad niyong si Honrado
ang hiling kong dan~gal ay niyong matamo
sinta ko'y luoy nang dumating dito.

Pagsunod kay Ama ang naging salabid
na ako'y nakasal sa di iniibig
ito'y siyang sanhi nang ikapapatid
nang kaawaawang buhay kong nalait.

Si Honrado nama'y sa malaking lumbay
sa Hari't konseho siya'y napaalam
hinanap ang kubo niyong Inang hirang
at niyong makita'y humalik nang kamay.

Ina ni Honrado'y lubos na nagtaka
anak na General ay di makilala
kung hindi ang n~gala'y nang ipahayag na
kaya di masabi ang tinamong sayá.

Ligaya nang Ina'y paganhing isaysay
gaya ni Honradong sapupo nang lumbay
agadagad siyang gumawa nang liham
gayari ang sabing nan~gapapalaman.

Alan~gan mang kahi't sa kamahalan mo
na pahatdan liham nang imbing lagay ko
ay aking hinamak ang lahat nang ito
ayon sa hirap kong nagbuhat sa iyo.

Di ko sana ibig masalang ang sugat
nang puso kong lalang n~g sinta mong sukab
paanhin mo'y di na matiis ang antak
at yaring hinin~ga'y ibig na pumulas.

Tunay ang pagasang wagas sa panimdim
na ako ang iyong kasing isang giliw
sa utos mong dan~gal ay aking hanapin
kaya pinuhunan ang buhay na angkin.

Sa awa nang lan~git ay aking kinamtan
ang lalong dakilang man~ga karan~galan
at ako'y naligtas sa kapahamaka't
nang dumating dito ay walang kamatayan.

Diwa'y hinan~gad mo na malayo ako
at nang mapanulos sa kasintahan mo
di ka na nahabag sa ginawang ito
na akong aba na'y siyang pinag ilo.

Wariin mong mula niyon lisanin ka
na ako'y mawalay sa dalawang mata
walang kaaliwan ang taglay kong dusa
kundi ang gunitang sa iyo'y suminta.

Siyang naging dahil nang hirap kong ito
ang tapat na aking pagsunod sa iyo
katuwiran kaya itong ginawa mo
dugo ka pa namang turing maginoo.

Hindi ko na sana ibig ipamalay
sa iyo nang una ang sintang sinimpan
baka siya ko pang lalong ipagdamdam
at saka ito rin ang kinahinatnan.

Puso ko'y panatag at hindi gunita
na iyong asalin ang gawang magdaya
tinabunan mong sa limot ang awa,
at ako'y linunod sa dagat nang luha.

Bakit naisip pa kaya ang magbalik
dito sa Kastilya nang palad kong amis
yayamang ang aking kasuyuang dibdib
n~gayo'y sa iba nang kandun~gan nahilig.

Aanhin ko itong man~ga karan~galan
na atas nang sinta kaya pinaglakbay
General man akong balita nang tapang
n~guni't sa pagsinta'y kusang nalupaypay.

Patawad patawad Princesa at Dama
ang pinagtiyagang ilubog sa dusa
¿anong kataksilan sa pagkikilala
ang gawa kong hindi ninyo minaganda?

¡Maanong bahid man ay pinamalayan
sa akin, ang inyong man~ga kasuklaman
huwag itinaboy sa kapahamakan
sa malayo't maging dito'y kamatayan.

Ang sinisisi ko'y ako ri't di iba
na kusang nadaya ay di alumana
nasabik ang puso sa maling pagasa
di magtiis namang buhay ay mapaka.

Hanggang dito't yamang wala n~g panahon
itong nalugami sa pagkaparool
akong inayop mo'y di na malalaon
sa dustang libin~ga'y pilit na hahantong.

Sulat ay sinarha't ipinadala na
sa may dalamhating mahal na Princesa
nang tanggapin nama't laman ay mataya
malaong oras ding nawalang hinin~ga.

Yaong man~ga Damang nan~gagsisaklolo
ay labis nang awa nila kay Honrado
saka sa Princesa sa nangyaring ito
na napagbintan~gan ay hindi tutoo.

Makamalay tao ang nawalang isip
luha'y tumutulong gumawa nang titik
upang mailuwal ang laman nang dibdib
at nang matutulan ang bintang na lihis.


KASAGUTAN


Honrado ay mali ang iyong paratang
na yaong hiling kong pagkita nang dan~gal
sa iyo ay isang pagdaraya lamang
ang gayo'y huwag mong isagunamgunan.

Kung mabubuksan mo lamang yaring dibdib
ang katutoha ana'y iyong malilirip
kung tunay n~ga akong taksil sa pagibig
na gaya nang iyong tadhana sa titik.

Labis ang sa iyo'y aking paghihintay
at ikaw ang sinta na inaasahan
n~guni at si Ama ang may kaibigán
na siyang pumilit na ako'y pakasal.

Gayon ma'y sa paghihintay ko sa iyo
isang taóng taning yaong hinin~gi ko
at inaasahan yaong pagdating mo
ganap na'y di ka pa dumarating dito.

Halata nang lahat na lubhang matamlay
ang aking pagsunod nang kami'y pakasal
di lamang mangyaring si Ama'y masuway
pagka't masasawi ako sa katwiran.

Saka nabalitang dito ay darating
General na n~galan ay di nalilining
nasok sa loob kong ikaw na marahil
kaya nang kasal na ako ay tumaning.

Isang buwang huwag na pakialaman
ako at dito rin sa torre tatahan
at nang makita kong ikaw ang dumatal
ang katauhan ko'y nanaw sa katawan.

Nang dumalaw kami at nang lisanin ka
luha'y di mapigil sa taglay kong dusa
sampu nang lahat kong kaakbay na dama
at sanhi sa iyong naulilang sinta.

Honrado ay walang bahid pagsusukab
yaring aking puso tungkol sa pagliyag
at sa katunayan niyaring pan~gun~gusap
sangla yaring buhay na n~gayo'y lilipas.

At kung linoob man n~g giliw kong Ama
na ako sa ibig niya magasawa
di rin mangyayaring kanyang makasama
ako at sa hukay ay mahihimbing na.

Lalo ko pang tuwa kung magkakagayon
at maiisban na ako nang linggatong
sa hindi ko nasa'y yamang napalulong
aking lilisanin naman ang panahon.

Baga man at turing na ako'y nakasal
ang kalinisan ko'y di nadurumihan
sapagka't sa aking puso ay masukal
ang pakikiisa sa di kasintahan.

Kaya ang samo ko'y patawarin ako
sa isa nang buhay magkikita tayo
doo'y walang salang makikilala mo
kung talagang ako ay taksil sa iyo.

Mayari ang sulat ay ipinadala
sa tapat na loob na kaniyang Dama
nang sa kay Honradong laman ay mabasa
ang sakit nang puso ay naululan pa.

Saka n~g sa Damang saysayin ang bagay
niyong sa Princesang laging paghihintay
yaong si Honrado ay sinisi naman
ang pagkalaon sa ibang kaharian.

Tanang bagaybagay nang maibalita
ay naghiwalay nang kapuwa may luha
na tulad sa isang buhay ang nawala
at bató nang dibdib ang hindi maawa.

Nang dumating doon sa torre ang Dama
usap ay sinabi doon sa Princesa
ay lalong lumala ang sa pusong dusa
at ang dalamhating di sukat makaya.

Ito na ang mulang ipinagkaramdam
nang pusong nalugmok sa kapighatian
kaya't hiniling nang siya'y magkumpisal
at sa kamataya'y humanda ang buhay.

Kaya n~ga't ang tuwa ay biglang lumipas
at sa kalumbayan sila'y nan~galagak
Princesa'y humin~gi nang tawad sa lahat
sa hanay nang madla, buhay ay nautas.

Sabihin ang lumbay at man~ga pagtan~gis
nang mahal na Hari sa Anak na ibig
at sa puso niya ay lumiligalig
ang pagaasawang parang ipinilit.

Pagka't mula nang kanyang ipakasal
siyang naging sanhing ipinagkaramdam
kaya n~ga at siya'y kahit nakasal man
ang naging asawa'y di nakaulayaw.

At di ko nakitang dinalaw nang tuwa
at sa kalumbaya'y nalugaming kusa
kahima't tipirin ay nahahalata
yaong kalungkutang di ko mapaghaka.

Matinding damdamin naman nang asawa
na nakasal sila ay di nagkasama
saka biglangbiglang siya'y nan~gulila
ito ang tunay na dalamhati niya.

Pananaghoy nila muna'y aking lisan
gaya nang kanilang ilibing ang bangkay
kasama ang lahat nang kaginoohan
ang tanang soldado ay gayon din naman.

Ang Hari at saka ang bunying asawa
na ikinamatay nang abang Princesa
saka si Honrado't tanang kawal niya
sa libing na yao'y kaalakbay sila.

Hanggang sa dumating doon sa Simbahan
at sa laang tumba'y ilagay ang bangkay
ginawa ang madlang man~ga katungkulan
na pananalan~gin sa man~ga namatay.

Tanang kailan~gan ay nang maganap na
ay ibinaba nang bangkay nang Princesa
at binendisyonan niyong Haring Ama
at nakipagkamay naman ang asawa.

Gayon din ang lahat nang kaginoohan
parapara sila na nakipagkamay
tan~gi si Honradong bayaning General
na siya n~ga lamang kahulihulihan.

Kamay ni Honrado ay niyong igawad
kamay nang Princesa'y iniabot agad
at saka ang man~ga mata'y idinilat
nagbuntong hinin~ga't gayari ang saad:

Ikaw n~ga ang sintang tunay kong katipan
na siya kong laong pinahintayhintay
at saka kasal na nang dito'y dumatal
ako sa hindi ko kinagigiliwan.

N~guni at sa ating suyuang maganda
tapat sa puso ko na di magiiba
kaya n~ga n~gayon din ay magkumpisal ka
at malilibing din na kasunod kita.

Anopa't ang tana'y pawang nanggilalas
na nan~gakakitang doon ay kaharap
at sampo nang Hari ay nakatalastas
na yaon ang siyang kasuyo nang anak.

Matapos isulit ang ganoong bagay
muling ipinikit ang mata nang bangkay
si Honrado nama'y agad nagkumpisal
at di rin nalao't nakitil ang buhay.

Nang mailibing na yaong si Honrado
umuwi noon din ang man~ga soldado
sa kanikanilang pinagmulang Reyno
at ibinalita ang nangyaring ito.

Tatlong Emperador ay sa kagalitan
nagpaembahada silang sabaysabay
at pinaguusig ang nawalang buhay
nang lubhang bayaning kanilang General.

Sa takot nang Haring hindi hamakhamak
ay sa Emperador na tatlo'y humarap
mahinahon niyang inahin~ging tawad
ang pagiibigang di niya talastas.

Kung ang anak niya ay nagpahiwatig
na may katipanan siyang iniibig
di ko pipiliti't baka n~ga masapit
ay ang gaya n~gayong buhay ay napatid.

Ang tatlong Monarka ay dinin~gig naman
ang sa Haring samo't man~ga karain~gan
yaon din ang mulang ipinagkaramdam
nang Hari at siya ay nakitlang buhay.

ELECTO

Walang katuwiran anak ay pilitin
sa bagay na pakikipagisang giliw
karampatan munang sila ay tanun~gin
ang isa at isa'y nang walang sisihin.

Katungkulan din n~ga na ipili nila
nang lalong mabuti na maging asawa
kailan~gan naman ang ipakilala
yaong tutun~guhing hindi natataya.

Lubha pa kung tunay nilang nalilirip
na ang kasintahan ay ugaling pan~git
sawayin at bigyang hatol na matuwid
at in~gatang huwag daanin sa galit.

Yaong malubay na pagpapaunawa
at huwag ang man~ga salitang gahasa
pagmura't tun~gayaw at man~ga pagsumpa
na bagkus nakapaguulol nang sama.

At kung ang anak pa ay walang pitagan
sasagutsagutin ang isang magulang
nang kasakitsakit na paglapastan~gan
sa dapat suyuin nila at igalang.

Bakit karaniwan nang man~ga inanak
kapag nasansala sa adhikang linsad
itinatakwil na nila ang paglin~gap
sa utang na walang katapatang bayad.

BRINDO


May isang soldado ang Haring maran~gal
na wala nang Ama't mahirap ang buhay
ang nagaaruga ay Ina na lamang
sa bugtong na anak niyang minamahal.

Hindi ibig halos mawalay sa titig
ang kaniyang bunsong pinakaiibig
dan~gan di mangyaring siya ay mapalit
ay hahalinhan na't hirap ay mabihis.

Sa pagsusundalo'y nang ilan nang buwan
tumanggap nang atas nang haring maran~gal
sa puno nang torre nang Princesang mahal
kabilang na isa sa man~gagbabantay.

N~g araw ring yaon sila'y lumakad na't
tinun~go ang torre nang bunying Princesa
nang dumating doo'y tinamaang mata
sa Princesang dilag na kaayaaya.

Kaya't mula noon sa puso'y natanim
yaong sa Princesang kagandaha't ningning
at siyang nagbigay guló sa panimdim
na sa gabi't araw ay di magupiling.

Inakala niyang gumawa nang titik
at doon sa torre ay kusang ihagis
n~guni't lubos namang siya'y nan~gan~ganib
na baka ang bunying Princesa'y magalit.

Anopa at siya'y walang maisipan
na yaong pagsinta'y magkaroong daan
kaya't walang munting oras na tiwasay
sa gayon ang puso niya't kalooban.

Kung nagiging bantay siyang mahalili
sa laang bantayang tapat niyong torre
siya ay tatanaw tanaw na parati
sa bintana't ayon sa laking pagkasi.

Lalo na kung lagi niyang nakikita
na nakapanun~gaw ang bunying Princesa
ay halos di ibig mawalay sa mata
sa laking pagirog na hindi makaya.

Maupo't tumindig nama't magpasyal
Princesa ang siyang tinitingnan tingnan
sa Princesang hindi naiino naman
pagkapalibhasa'y di namamalayan.

Sa malaon niyang pagbabantay doon
sa torreng may bilang sa tatlo nang taon
walang gawa kundi ang tumaghoy taghoy
sa sarili niya't ang wika ay gayon.

Kung natatanto mo lamang yaring hirap
Princesa kong sinta at tinawag tawag
puso mo ma'y batong buhay na matigas
sa man~ga daing ko'y pilit maaagnas.

Wala ni munti mang oras na itigil
ang hibik ko't buntong hinin~gang malalim
dahil sa pagsintang di ikagupiling
at man~ga pagluhog na hindi mo lining.

Mata kong sa iyo'y laging nakatitig
na nagbabalita nang aking pagibig
ay di mo man pansin bago'y tumatan~gis
itong nagdurusa'y di mo nalilirip.

Kung nanunun~gaw ka sa iyong bintana
ang hinahalaw mo'y ang ikatutuwa
n~guni't di makita ang linuhaluha
nitong sa dilag mo'y nan~gan~gayupapa.

Nagwawala ka n~gang bahala sa lagay
at nagpapasasa sa kaligayahan
bago'y di mo tantong nasa kalumbayan
akong sumintang di maipamalay.

Hirap na gumiliw nang isang mababa
sa uring mataas na tinitin~gala
namamalas mo nang mata'y lumuluha
ay tikis mong winawala ring bahala.

Tantuin mong yaring dusang tinataglay
ay magiging landas niyaring kamatayan
pagka't sa puso ko'y pan~gakong matibay
na tataghuyang kasukdang maging bangkay.

Malasin nang inyong masaghayang titig
ang tatapong buhay dahil sa pagibig
at wala nang lunas sa sukat ikapit
kundi ang lin~gap mong nasa kong makamit.

Ang lalong masarap na man~ga pagkain
at lahat nang tuwa'y tapos na sa akin
ikaw na n~ga lamang ang makapipigil
sa dustang libin~gang laang tutun~guhin.

Di na malalao't iilan nang araw
sa Mundo, ang aking pakikipanayam
inot inot ko na na nararanasan
na itong puso ko'y may malubhang damdam.

Pagka't ang hinin~ga'y laging nan~gan~gapos
sa di pagkakai't di pagkakatulog
ako'y nanghihina't di na ibig halos
magluat nang aking buhay na maayop.

Ang gayong pagtaghoy na di naglilikat
na walang bahagyang pagitan ang oras
inot inot na n~gang napawi ang lakas
at ang humalili ay pan~gan~gayayat.

Makita nang puno yaong kalagayan
ay ipinapasok agad sa hospital
at doon ginamot yaong karamdaman
n~guni't lumalalang lalo't di humusay.

Kaya't sa sundalong hiniling pagdaka
na siya'y ihatid sa kanyang Ina
nang araw ring yaon ay ipinadala
sa dahilang tantong mahina na siya.

Sa Inang makita ang bugtong na anak
luha'y di napigil sa malaking habag
anya'y ang nasapit nang imbi mong palad
n~gayon ay tunay na pawang buto't balat.

Ang kalagayan mo'y kung aking pagmasdan
kundi humihin~ga'y mistula nang bangkay
¿ano baga kaya ang naging dahilan
niyang marawal mo na kinahinatnan?

Tugon nang sundalo'y oh Ina kong giliw
ang damdam kong ito'y wala nang paggaling
ang lahat mang gamot ay kahit ubusin
ay wala nang daang ilunas sa akin.

N~gayon ay wala na akong kailan~gan
kung hindi ang ako'y makapagkumpisal
ang kaluluwa ko ay bago pumanaw
ay mapawing lahat yaring kasalanan.

Gayong kahilin~ga'y sinunod nang Ina
tumawag nang Pareng kahilin~gan niya
nang dumating naman ay nagkompisal na
at saka tuloy na nagkomunion pa.

Kahilin~gang yao'y matapos tanggapin
sa irog na Ina naman ay nagbilin
Ina ko aniya ay huwag limutin
itong kamunti ko na ipagbibilin.

Na kung makitil na yaring aking buhay
medikong marunong ang tawagin lamang
at ang aking dibdib ay agad pabuksa't
kunin ang puso ko at iyong in~gatan.

Huwag pabayaan mapalibang oras
na di ang dibdib ko'y agad ipabiyak
puso ko'y itago sa lalagyang dapat
bilang alaalang sa iyo po'y lagak.

Ang tugon nang Ina ay aking susundin
bunso ko ang iyong mahigpit na bilin
di lubhang nalaon buhay ay nakitil
nang ang karamdaman ay sa sinta dahil.

Man~ga pananaghoy nama'y sabihin pa
nang kaawaawang Inang naulila
mulang pagka bata'y dinulangdulang na
ang kabaitang sumunod sa kaniya.

Sabihin pa baga ang man~ga pagtan~gis
at man~ga pagluha at hinibikhibik
at halos mawaray ang kaniyang dibdib
nang pagkaulila sa anak na ibig.

Bagaman malaking dalamhati niya
pinaram ding agad at naalaala
ang bilin nang anak kaya't kapagdaka
pantas na mediko siya'y tumawag na.

Nang dumating doo'y agad pinabuksan
yaong dibdib niyong sa anak na bangkay
ang puso'y kinuha't kusang pinagyaman
at itinago na sa loob nang kaban.

Saka yaong bangkay nama'y ilinibing
ang Inang may lumbay nama'y kasama rin
yaong panambitan at dinaingdaing
nang naiwang Ina ay di maiturin.

Niyong nalilibing na ilan nang buwan
ang sundalong anak niyang minamahal
Inang naulila'y naisip-isipan
na tingnan ang pusong inin~gat sa kaban.

Binuksan na niya't agad na kinuha
at sa pagkabalot ay inalis niya
n~guni't di masayod yaong pagtataka
doon sa iniwang bilang alaala.

Pusong nababalot ay kusang nagmaliw
at ang nahalili'y batong nagniningning
iba't ibang kislap ang kulay na angkin
na sa matang titig ay nakaaaliw.

Ang Inang may lumbay ay di mapaghaka
ang nangyaring yaong anaki'y himala
agad pumasok sa kanyang gunita
na yao'y isang mahalagang mutya.

Kaya't minagandang kaniyang ialay
sa Hari ang batong puspos karikitan
binalot na niya na pinakainam
at saka dinala sa Haring maran~gal.

Ang tuwa nang Hari naman ay sabihin
doon sa alay na batong nagniningning
kinuha at saka binigyan noon din
niyong kayamanang makakayang dalhin.

Sa labis na pagkamangha at ligaya
na di pagsawaan nang titig nang mata
kaya't ang ginawa ay ipinadala
doon sa kaniyang anak na Princesa.

Lugod nang Princesa naman ay sabihin
nang makita yaong batong nagniningning
matay nang kaniyang pagwariwariin
ay di mapagsiyang lubos sa panimdim.

Sa ibabaw niyong mesa'y ilinagay
naupo sa silya't minamasdanmasdan
hindi maisulit ang kaligayahan
sa kislap nang batong iba't ibang kulay.

Nang minamalas niya'y walang anoano
ay naging puso ang maningning na bato
at doon sa mesa ay lumukso lukso
at nanaghoy nan~gang ang wika'y ganito.

Pakatantoin mo oh Princesang mahal
na sanhi sa iyo ang ikinamatay
na sininta kita nang higit sa buhay
ay hindi nangyaring aking ipamalay.

Tuwing sa bintana ay manunun~gaw ka
at tamaang titig niyaring man~ga mata
ay nauululang lagi yaring dusa
na nasa puso kong di mo natataya.

Banta ko'y kung ito lamang madirin~gig
ang man~ga daing ko at hinibikhibik
ay kahit hindi mo gawi ang mahapis
ay sisibulan ding habag iyang dibdib.

¡Prlncesa kong sinta'y saan ilulun~goy
yaring kahirapang narating ko n~gayon
di kana naawa sa tinaghoytaghoy
nitong sumisintang sa libing humantong!

Diyata't ang aking tunay na paggiliw
ay minatamis mong mahimlay sa libing
muntima'y di kana nahabag sa akin
at binayaan mong hinin~ga'y makitil.

Tugon nang Princesa ¿ikaw baga'y sino?
ako anya'y isang hamak na sundalo
at doon sa tore nagbabantay ako
kaya ko namasdan ang karikitan mo.

Di ko kasalanan wika nang Princesa
ang pagkamatay mong sanhi sa pagsinta
at ang pagsuyo mo'y di ko natataya
saka una'y ikaw ay di ko kilala.

Mangyayari kayang aking mawawari
ang kahirapan mong sa akin ang sanhi
ni sa gunita ko'y hindi sumasaging
sundalo'y sintahin ako ni aglahi.

Sapagka't sinoma'y nakatatalastas
na bawal suminta tungkol dugong hamak
sa man~ga may taglay na uring mataas
at may pan~ganib pang búhay ay mautas.

Gayon ma'y ang buong may sala ay ikaw
na ang pagibig mo'y di ipinamalay
kung iyong sinabi nang ikaw ay buháy
banday baga akong di ka kaawaan.

Di nagsapalarang ipinaunawa
sa akin, ang iyong sintang inadhika
nang upang ang iyong matinding dalita
ay naibsáng ko kahi't babahagya.

Ang kahihinatnan ay ano pa n~gayon
nang iyong pagsinta na ilinulun~goy
ibig ko mang dinggin ang iyong pagtaghoy
di na mangyayari't wala nang panahon.

Walang sinisisi ako kundi ikaw
sa iyong nasapit na pagkaparawal
n~gayo'y ibig ko mang hirap mo'y lunasan
¿anong gagawing ko'y puso ka na lamang?

Dan~gan ang palad mo ang talagang kapos
di laang magtamong tuwa sa pagirog
nang pusong puso na'y saka pa luluhog
na wala nang sukat ikasayáng loob.

Madla mong pagsamo ay kahi't ubusin
malubha mong damdam ay di na gagaling
pagka't hinamak mo ang buhay na angkin
na ipinarool lamang sa paggiliw.

Sisihin mo n~gayon ang sariling isip
at hindi na araw ito nang pagibig
ang tatamuhin mong damay sa paghibik
ang idalan~ging ka sa Dios sa lan~git.

Tugon n~g Princesa'y sa pusong mabatyag
tumaghoytaghoy na't ang wika'y ay palad
ang dukhang suminta sa uring mataas
damay sampung buhay ay di rin katumbas.

Yayamang wala nang sukat pang mangyari
kundi ang tuman~gistan~gis sa sarili
at kahi't anomang gawing pagsisisi
di na maiuli buhay na naputi.

Ang tao n~ga palang mahirap ang buhay
saka ang puso pa ay pahihirapan
ay siyang matinding nagiging dahilan
nang pagkalugami nang hinin~gang tan~gan.

Puso'y tumigil na niyong paghalinghing
yamang walang daang magtamo pang aliw
nauli sa dating batong nagnininghing
na gaya nang unang ligaya sa tin~gin.

ELECTO


Kaya nararapat na pakain~gatan
nang man~ga lalaki't maging babae man
tungkol sa pagsinta'y kinakailan~gan
na kung lalapit ma'y doon sa kabagay.

Yaong lumiligaw na man~ga mahirap
sa man~ga may dan~gal maging sa may pilak
kapintasan lamang yaong hinahanap
o ang matawanan nang makatatatap.

Ang karaniwan nang gayon kung umibig
ay di nagninilay ang mahulong isip
ang di man~ga himlay at sa sintang labis
karaniwang tubo'y nan~gagkakasakit.

Sa hidwang tan~ging man~ga kaisipan
niyong sumisinta sa hindi kabagay
nagugugol lamang yaong kapagalan
at nalulugso pa kung minsan ang buhay.

Dapat pagaralang anomang gagawin
kinakailan~gang pagbagaybagayin
nang di ikahiya sa matang titin~gin
at kahi't sino ma'y nang walang wikain.

Pagka't karaniwan n~g sa Mundong lakad
pag di gawa niya ay madla ang pintas
kahi't lalong lihim ay inihahayag
at nagmamapuri sa nakatatatap.


Wakas nang unang hati.




Patalastas

*** END OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14270 ***